Pages

Sunday, February 13, 2011

Isang pasasalamat sa pamilyang hindi ko makakalimutan.

Ano nga ba ang isang guro? Hindi lang sila ang nagtuturo ng Matematika, Siyensiya, Filipino, English, at iba pa, ang nagpapatahimik sa klase sa tuwing maingay ito, ang nagbibigay ng mga plus at ng mga minus, ang taga-saway sa mga makukulit sa pila  at hindi lang sila ang dahilan kung bakit nagtatakbuhan ang mga estudyante papasok sa kwarto sa tuwing papaakyat na ito sa hagdanan. Sila ang ating gabay hindi lang patungong kolehiyo, kundi na rin sa buhay. At higit sa laht, sila ang ating pangalawang mga magulang at tayo ay itinuturing na rin nilang mga anak.

Sa apat na taon ko na pag-aaral sa AAM, marami na akong naging guro. At ang bawat guro ay mayroong pagkakaiba. May laging galit, minsan galit at minsan hindi, laging masaya, mahilig magbigay ng free time, mataas magbigay ng plus pero mataas rin magbigay ng minus, mabilis ang mata kapag may mga nangongopya, mahilig magpalabas ng mga maiingay na estudyante, magaling magturo at meron din namang hindi kasing-galing magturo kaysa sa iba pero may matututunan ka naman.

Lahat ng ito, hindi ko makakalimutan. Pero may dalawang guro na tumatak ng lubusan sa aking isipan.

Una, si Doc. Edmar L. Orata o mas kilala bilang Doc Ed.


Siya ang pinakauna at pinakahuling Math teacher ko sa Ann Arbor. Noong unang taon, pagpasok pa lang niya, naisip ko na mukhang magaling siya magturo. Pano ba naman, papasok lang siya na ang dala ay chalk at mga libro. Mas napatunayan ko na magaling nga siya nang magsimula siyang magsulat sa pisara. Napakaraming mga numero, mabilis ang pagtuturo, susundan ito ng seatwork at magtatapos sa isang homework o ang tinatawag na “yellow” (dahil sa yellow pad ito madalas na inilalagay). At ganyan na ang naging routine sa araw-araw na pagtuturo niya.

Kung may mga guro na isa o dalawang lesson lang sa isang araw, si Doc Ed kulang pa ang dalawa o tatlo. Lalo na kung napakadali ng lesson, dapat na inihahanda mo na ang iyong ballpen at ang iyong notebook dahil mahaba-haba ang iyong kokopyahin at titigil lamang si Doc Ed kung may seatwork na gagawin. Pero minsan naman, umaabot sa mahigit isang linggo ang isang lesson. Bakit? Isa lamang ang sagot diyan, dahil napakahirap ng lesson na itinuturo niya. Isang beses lang namin naranasan ito, nang ipinakilala sa amin ang proving. Kung sa Pisika ay may Torque, ang Matematika, may Proving. At kung maririnig mo man ito, matakot ka na. Maliban na lang kung ikaw si Pio, si Jong o si Einstein. Ito na yata ang pinakamahirap at pinakamadugong lesson na naging dahilan ng 81 ko na grado sa card. Pero sa paglipas ng panahon, nakuha ko din siya. Nakuha ko siya kung kailan dalawang lesson na ang nakakalipas at hindi na kinailangan ang proving.

Ngayon, hindi ko lang siya guro sa Matematika, adviser ko pa siya. Ano nga ba ang masasabi ko. Masaya siyang kausap tuwing homeroom, mabait, mataas magbigay ng plus at hindi niya nakakalimutang magdala ng pasalubong sa tuwing siya ay magbabakasyon sa kung saan mang parte ng mundo. Pero kung gaano siya kabaait, ganoon rin siya kabagsik magalit. Madatnan lang niya na madumi ang kwarto, sa isang iglap lang, mawawala na kaagad ang ngiti niya. May mga pagkakataon na mapapansin na lang namin na ang lahat ng gamit namin na nasa istante, minsan nasa labas nakatambak at minsan naman nasa loob ng basurahan.



Hindi ko rin makakalimutan ang mga  “alituntunin” (rules) niya sa klase niya (ayon sa aking naging mga karanasan):
  • Maiwan mo na ang lahat ng gamit mo sa bahay, huwag na huwag mo lang iiwan ang Math book at notebook mo.
  • Ang madalas niyang sinasabi sa amin, “Love Math and Math will love you. Hate Math and Math will hate you in return.”
  • Pwede kang mangopya basta alam mo kung ano ang kinokopya mo at kung paano gawin ang mga ito.
  • Mas maganda nang umupo sa harapan para madami kang matutunan.
  • Sa bawat pagsusulit, upuang-gawain at takdang-aralin, huwag kalimutan na itupi ang papel pahaba. (May mga panahon na kahit hindi para sa Matematika, makahawak lang ako ng papel, itutupi ko ito ng pahaba)
  • Kung ikaw man ay may plus, isulat mo ito ng malaki upang makita niya. Kasi kapag hindi niya ito nakita, sayang lang ang effort mo sa pagkuha ng plus na ito.
  • Palaging linisin ang kwarto. Ayaw na ayaw niyang nakikita ito ng marumi.
  • Gawin mo ang mga takdang-aralin na ipinapagawa niya kung ayaw mong magklase sa labas.
  • Laging dalhin ang test cover. Kailangan itong gamitin minsan kapag may pagsusulit.
  • Sa ikaapat na markahan, siguradong ipapagawa niyang muli ang lagi niyang ipinapagawa tuwing ikaapat na markahan, gagawa ka ng sarili mong pattern sa isang bond paper tapos iyon na ang pinakahuli mong long test sa Matematika.
  • Mahirap na ang hindi ka pumasok sa paaralan. Mapaghuhulihan ka na sa mga lesson na itunuro niya. Hindi lang iyon, kapag nasaktuhan at may pagsusulit sa araw na iyon, hindi mo na ito makukuha pa.
  • Magpakabait ka. Kung ikaw man ay makakuha ng 74 o 84 (kung gusto mo maging achiever), gagawin niya itong 75/85.
  • At ang pinakahuli, simple lang, makinig ka sa mga itinuturo niya. Ibaba mo muna ang iyong lapis/ballpen kapag nagsaasalita siya.

Ginawa namin noong nag-absent si Doc Ed ng dalawang araw. Nice Paolo :))

At ang pinaka hindi ko makakalimutang guro, si Ms. Julie Ann Cory Dionisio Mommy J.


Sa totoo lang, noong ako ay nasa una at ikalawang taon sa mataas na paaralan, isa siya sa mga kinakatakutan kong guro. Siya ang aking naging guro sa Business Math at sa TLE. Natatandaan ko, ako ay nasa ikalawang taon, at dapat na magtatanim kami bilang proyekto sa TLE. Kaso, nagkamali ng dinalang halaman ang isa naming ka-grupo (hindi ko na matandaan kung sino). At ayun, napagalitan na naman kami sa dahilang ang grupo lang namin ang hindi nakapagtanim. Pero hindi naman sa lahat ng araw ay ganoon siya. May mga pagkakataon na mabait at masaya siya, ngunit minsan ko lang ito makita sa kanya (siguro dahil hindi ko siya naging adviser noon). Nang unang araw na ako ay tutungtong sa ikatlong taon ng mataas na paaralan, nalaman ko na siya ang magiging adviser ko. Sa una, hindi ko nagustuhan na mapunta sa seksyon na ito. Pero makalipas ang dalawang linggo, nagbago na ang lahat.

Naging siya ang pinakamabait at pinakanagustuhan kong guro sa apat na taon kong pag-aaral sa AAM.
Ang bawat lesson na itinuro niya sa Kimika. Mga moles, ang Periodic Table, mga scientists, mga chemicals at kung anu-ano pang mga salitang kaugnay sa Kimika. Mukha lang siyang mahirap pero para bang may sariling version si miss at ito ay napapadali niya.

Naaalala ko rin noon na kapag late ka, hindi ka papapasukin. Nung mga panahon pa naman na iyon, mga isa o dalawang beses sa isang linggo, late ako. Kaya pala lagi akong napapagsabihan ni miss.

Maalalahanin rin si Miss J. Sa tuwing kaarawan niya o kaya naman ay pasko, hindi niya makakalimutang magbigay ng regalo sa lahat ng tinuturuan niya. Nasa akin pa lahat ng ibinigay niya simula pa noong unang taon, maliban na lang doon sa keychain na bola na hindi ko na alam kung saan napunta. Pero ang pinaka hindi ko makakalimutang bagay na ibinigay niya ay ang “award” na para lang sa amin. Ibinigay niya iyon noong huli naming araw bilang isang estudyante ng seksyong Einstein.


Kapag homeroom namin, wala kang makikita kundi mga ngiti at wala kang maririnig kundi mga tawa. Mahilig kasing bolahin ni Jason si Ms. J, at minsan pati rin si Edward nagpapatawa. At kung minsan ay may problema kami, lagi siyang nandiyan, handang makinig at tumulong. Kung kami ay malungkot, mas malungkot siya. At kung kami naman ay masaya, mas masaya siya. Ganyan ang tunay na ina. Kahit na minsan ay makulit kami, kaya niya kaming pagpasensiyahan. Pero kung mali na ang ginagawa namin, alam niya na dapat may gawin siya upang itama ito. 

Hinding hindi ko talaga makakalimutan ang seksyong Einstein.






Nagpapasalamat din ako at naging guro ko si Ms. Angie, Sir Andrew, Ms. Adona, Ms. Rachel, Sir Paul, Sir Felix, Brother Ernie, Ms. Pineda, Sir Zen, Sir Gerry, Sir Rommel, Ms. Tere, Ms. Arlene, Ms. Titas, Ms. Renee, Ms. Janice, yung isa pang Ms. Janice na nagturo ng Physics, Sir Chris at syempre ikaw, Sir Yuan. Kung hindi dahil sa inyo, hindi siguro magiging ganito ang buhay ko.


Ano nga ba ang natutunan ko sa mga guro na ito? Natutunan ko na maging disiplinado, na dapat maging handa sa kahit anumang ibato ng hinaharap at ang magtiwala sa sarili kong kakayahan. 

Ang hirap isipin na nakaupo ako, sa kolehiyo, at iba ang nagtuturo sa akin. Dahil kahit gaano pa kagaling yan, hindi ko pa rin kayo makakalimutan. Ang mga gurong naging parte ng pagbuo ng aking kinabukasan.



2 comments:

  1. chesteeeeer!
    bitc ka. nakakaiyak :))) ang ganda ng hair ko sa video :))

    ReplyDelete
  2. Chester nakakaiyak yung video ng einstein :(

    ReplyDelete