Pages

Sunday, January 30, 2011

Pilit na iniiwasan ang mga pana ni kupido.


Bakit nga ba umiibig ang isang tao? Minsan, sa katahimikan, naisip ko, kung bulag ang pag-ibig sana bulag rin ang mga tao. Nang sa gayon, mamahalin nila ang isang tao hindi dahil sa pisikal na kaanyuan nito kundi dahil sa totoo nitong pagkatao.

Maraming klase ang pag-ibig. Merong puppy love, true love, infatuation at ang hindi malilimutang first love.

Nagkaroon na ba ako ng unang pag-ibig? Hindi pa.

May girlfriend ka na ba?” “wala po.” “Hindi nga. May girlfriend ka na ba?” “wala po talaga”, yan ang madalas na tanong sa akin ng mga kamag-anak ko tuwing kami ay mag-rereunion. Wala naman talaga akong iniibig, anong magagawa ko?. Pero aaminin ko na nagkaroon na ako ng crush (wag mo ng itanong dahil hindi ko rin naman sayo sasabihin kung sino ito). Siya na rin ang naging inspirasyon ko. Masaya siya bilang kaibigan, mabait, nakakatawa at hindi siya nauubusan ng kwento sa tuwing kami ay magkasama. Para bang tumitigil ang mundo ko sa tuwing nagkekwentuhan kami sa classroom o kaya naman ay naghihintay ng sundo niya sa lobby.

Hanggang dun lang. Hanggang sa crush lang. Hanggang sa pagiging inspirasyon lang. Ito’y dahil pinapahalagahan ko rin ang aking pag-aaral. Hihintayin ko muna na ako ay makapagtapos ng kolehiyo bago ako umibig. Pero sa ngayon, masaya na ako sa pagmamahal na ibinibigay sa akin ng aking mga kaibigan at ng aking pamilya, at minamahal ko rin sila bilang kapalit.

 Sila ang nagbibigay sa atin ng saya  sa bawat araw na meron tayo. Sila ay parang anino na laging nasa tabi natin, sa hirap man o sa ginhawa.

Ang tanong. Sila na nga lang ba ang makakasama mo habang buhay? Hindi. May isa pa.

Pero huwag kang mag-alala. Balang araw, makikita mo rin siya. Siya, na dadagdag sa mga dahilan kung bakit magiging maganda ang paggigising mo sa umaga. At siya, na magbibigay ng tunay na kahulugan sa salitang pag-ibig. Kailangan lang na ikaw ay nasa tamang lugar, sa tamang panahon, kasama ang tamang tao na babago sa buhay mo.

Sunday, January 23, 2011

Mahirap ba? Madali pa lang yan.


Stress, stress and more stress. Sa mga susunod na linggo ay ito lamang ang mararamdaman ko. Bakit? Ilang linggo na lang at magsisimula na ang Prom, ang Intramurals at ang Graduation. Dahil dito, pinagsabay-sabay na ang lahat ng mga proyekto at mga pagsusulit sa iba’t-ibang subject. At sa sobrang dami ng kailangang gawin, hindi ko na alam kung ano ang uunahin ko. Ito ba? Iyon? Yung mas mahirap? O yung mas madali? Hindi ko na ito inisip, basta may masimulan lang.
Buhay nga naman sa high school.
Naisip ko, ganito din ba ang buhay pagdating sa kolehiyo? Hindi, mas mahirap nga pala. Ako na rin ang sumagot sa sarili kong tanong. Hindi ko tuloy alam kung ma-eexcite ba ako o kung dapat ba akong kabahan. Lalo na at may mga nagsasabi na ang kurso na kinuha ko ay mahirap. Meron daw iba na hindi kinaya at nag-shift. Kung ikaw rin ang makakarining nito, matatakot ka din diba?  Sana na lang mag-survive ako sa kolehiyo kahit papaano .Pero hindi ko na muna po-problemahin yun. Mas-importante sa ngayon ang mga gagawin ko habang ako’y nasa AAM pa.
Haayy.. kung pwede ko lang sanang patigilin ang mundo at takasan ang mga ito, kahit saglit lang. Ngunit alam ko naman na kahit anong pilit ko na pagtakas sa mga gawain at responsibilidad, magigising at magigising din ako sa katotohanan na hindi ako uunlad at magbabago kung hindi ko sisimulan ang mga bagay na ito. 
Kung ako sayo, huwag kang matakot sa hinaharap. Mas matakot ka sa mga ginagawa mo ngayon. Hindi ka naman magkakaroon ng magandang kinabukasan kung hindi mo aayusin ang iyong kasalukuyan.

Saturday, January 22, 2011

Wala akong maintindihan :)

Baguhan pa lamang ako at hindi ko alam kung ano na ba ang ginagawa ko dito. Ngunit natapos din ako. Yun nga lang, kinailangan ko ng mahigit tatlumpung layouts, mga sampung tutorials, walong oras sa tapat ng computer, tatlong accounts at isang matinding headache. Sa wakas, nakuntento na din ako.