“...last na natin to”
Lahat na lang ng gawin namin, “last na.” Pero wala naman kaming magagawa kasi yan naman ang katotohanan. At ngayon, may nalalabi na lang kaming tatlumpu’t-dalawang araw sa AAM.
Ang hirap isipin na aalis na kami sa aming paaralang ito. Malungkot at masakit.
Apat na taon pa lang ako nag-aaral sa AAM, pero napakaespesyal ng paaralan na ito para sa akin. Hindi dahil malaki ang gym. Hindi dahil maraming pagkain sa canteen. At hindi rin dahil sa maluluwag nitong silid-aralan. Kundi dahil dito nangyari ang mga hindi inaasahang pagbabago sa buhay ko.
Dito nagbukas ang aking mga mata sa panibagong mundo. Mundong hindi ko inaakalang tatawagin kong tahanan. At nais ko din sanang pasalamatan ang mga taong bumuo sa “mundo” kong ito.
Ang aking mga guro na itinuturing kong pangalawang magulang. Mga magulang na tumulong sa aking paglalakbay sa buhay. Dahil sa kanila, naipaghanda ko ang sarili ko sa anumang dadalhin ng hinaharap, natuto akong tumayo sa sarili kong paa, at natuto din akong bumangon sa tuwing ako ay madadapa.
Sa bawat pagkakamali na aming nagawa, tinutulungan niyo kami upang ito ay matama. At salamat na din sa mahabang pasensya na ibinigay ninyo sa amin. Ngunit higit sa lahat, nagpapasalamat ako dahil hindi lang estudyante ang turing ninyo sa amin kundi parang kami ang tunay ninyong anak.
Ang aking mga kaibigan na kailanman ay hindi ako iniwan, laging nandiyan sa tabi ko at hindi lamang sa panahon ng pangangailangan. Sila yung tipong kapag tatalon ka sa tulay, hindi mo na kailangang mag-alala dahil alam mong nandoon sila sa ilalim handa kang saluhin. Sila ang isa sa mga dahilan kung bakit mas ginaganahan akong gumising sa umaga. Sila ang kumukumpleto at nagpapasaya ng araw ko.
Hinding hindi ko makakalimutan ang bawat tawa at saya na aming pinagsaluhan. Na minsan, kahit na nagmumukha kaming baliw wala pa rin kaming pakialam sa iniisip ng ibang taong nakakakita sa amin. Pero hindi lang naman puro saya ang aming naramdaman. May mga panahon na hindi kami nagkakaintindihan. Ngunit sa huli ay magkakabati rin. Siguro nga totoo ang sabi ng iba na “A friend thinks that their friendship is over once they have had the argument. But best friends won’t call their friendship over until after the fight is done.” Muntik na nga akong pag-aralin sa San Beda. Muntik na, buti na lang mas malapit ang AAM. Kasi kung nagkataon, hindi ko sila nakilala. Hindi sana ganito ang buhay ko. Iba ang mga kaibigan ko ngayon. Siguro masaya din ako ngunit nandoon pa rin ang pakiramdam na para bang may kulang sa bukay ko. Kasi wala nang ibang tao ang makakapantay pa sa mga kaibigan na meron ako ngayon.
At ang huli, ang mga naging kaklase at mga ka-batchmate ko.
Ang hirap iwanan ang lahat ng ito.
Kahit na makikita ko pa rin naman sila, iba pa rin yung nakikita mo sila araw-araw. Wala ng mga sound trip, free time, photoshoots ng Pascal babies, mga kalokohan ni Jason, ang tinig ng malakas na tawa ni Angel, mga asaran sa isa’t-isa, at kung anu-ano pang mawawala kapag kami ay nagkolehiyo na.
Kaya naman nagpapasalamat ako sa mga matatamis na ala-ala na ibinigay sa akin ng aking mga guro, mga kaibigan, at ng Ann Arbor Montessori. Hindi ko kayo makakalimutan, kahit na magkaroon ako ng matinding amnesia, dahil mayroon kayong espesyal na lugar sa puso ko.
Until we meet again...