Sabi nila, hindi mo raw makakalimutan ang naging buhay mo sa high school. Inisip ko, “Bakit kaya?”. At ngayon, nabigyan ko na rin ng sagot ang tanong ko sa sarili. Apat na taon na akong nag-aaral sa mataas na paaralan. Madami na akong napagdaanan, marami ng nagbago sa aking katauhan, at marami na ring pinto ang aking binuksan. Pero, sa lahat nang ito, ano nga ba ang pinaka hindi ko makakalimutang pangyayari?
Habang nakaupo, nag-iisip , bumalik ang mga ala-ala ko ng mga panahong ako ay nasa mataas na paaralan. Ang dami pala.
Nagsimula ang lahat nung unang araw ko bilang isang high school student. Ibang-iba sa dating paaralan na aking pinasukan. Para bang nasa ibang mundo at hindi ko alam kung ano ba ang gagawin ko. Pero dito pala magbabago ang buhay ko, dito ko pala mararanasan ang mga bagay na hindi ko pa nararanasan noon.
Natuto akong mag-aral ng mabuti. Hindi kasi ito katulad ng elementary na madadali lang ang mga itinuturo. Masaya na nga ako noon sa tuwing magiging achiever ako. Pero mas naging masaya ako noong ako ay naging 3rd Honor nung ikalawang taon, kahit na alam ko na sinuwerte lamang ako at si Angelica Saludo dapat iyon . Nang dumating ang ikatlong taon, akala ko mahirap na ang Algebra. Hindi, may mas mahirap pa. Geometry. Hindi naman sa wala akong natutunan, pero hindi ko lang talaga maintindihan yung mga bilog-bilog at yung mga anggulo na hindi ko naman alam kung papaano kunin. Dito ko unang nakuha ang 81 bilang grado ko sa Math. Nang mga panahong ito, nawalan ako ng pag-asa at sinabi ko sa sarili na babawi na lamang ako sa susunod na taon.
Hindi ko rin naman makakalimutan ang bawat retreat na naganap. Na sa tuwing dadating kami sa retreat house ay magkakaroon ng orientation. Matapos ay magkakaroon ng mga activities at sumunod ay kakain. Pero hindi mawawala ang pagkakataon na kami ay mapapagalitan ng aming retreat master at hindi na rin mawawala ang iyakan sa tuwing maghahating-gabi na. At ang pinakamasayang gawain sa lahat? Ang kwentuhan at tawanan sa gabi, ang paglilipat ng ibang kwarto, ang pag-iingay kahit may tulog na, ang paglalagay ng toothpaste sa mga doorknob para pagtawanan kapag nahawakan ng iba at ang pagtulog kung kailan ang araw ay sumisikat na.
Sa tuwing nasa classroom at hindi pa dumarating ang guro ay makikita mong pakalat-kalat sa labas at loob ng classroom ang mga Pascal babies :)) Hindi lang iyon ang naging gawain namin. Kasama na dito ang paghingi ng freetime, pag-soundtrip kung nabigyan ng freetime, pagkekwentuhan at pagtatawanan, madalas na ni-lolock si Angel sa labas ng kwarto, ang pagkopya ng mga assignments, pagkakaroon ng “congruency” sa tuwing may pagsusulit (lalo na kapag Physics or Math) at pagtatanong kung sino ang may papel kahit alam namin na wala na kaming supply nito.
Ang pag-alis namin halos araw-araw papuntang starbucks. Minsan para mag-aral, minsan para magpalamig, pero madalas para magkwentuhan. Kung hindi sa starbucks ay kanila Pio kami pupunta o kaya naman kanila Marica. Basta may mapuntahan lang tuwing uwian. At sa tuwing uuwi kami ng maaga, sasabihin namin sa isa’t-isa “uyy.. uuwi na tayo? May araw pa kaya, mamaya na lang.”
Ngunit ang hinding-hindi ko makakalimutan, nang makilala ko ang aking mga kaibigan. Sila ang nagpapasaya sa akin. Sila na rin ang bumago sa buhay ko. Pero hindi lang sila kaibigan para sa akin, sapagkat sila na rin ang itinuturing kong pangalawang pamilya. Ang nagbibigay ng ngiti sa tuwing ako ay malungkot. Ang nag-aabot ng kamay sa tuwing kailangan ko ng tulong. At higit sa lahat, ang tumanggap sa kung ano man ang pagkakamali ko.
Napakalungkot isipin na maghihiwalay na kami at hindi na namin magagawa ang mga bagay na ito. Pero ano pa ang magagawa ko? Lulubusin ko na ang natitirang oras na kami ay magkakasama pa. At sa pagtungtong ko sa kolehiyo, babalikan ko ang mga ala-alang ito at sasabihin sa sarili, “wala na talagang makakatalo sa high school life.”










san mo nakuha ung 6th paragraph mo? /:) =))
ReplyDeleteAng dami kong exposure dito ah =))))
ReplyDeleteAwww. Super like! :')
ReplyDelete